Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay higit na mas mahirap kaysa sa sariling bansa. Kaya naman kadalasan, naapektuhan ang iyong physical, emotional, at mental health.
Narito ang mga paraan upang mapangalagaan mo ang iyong sarili kahit saang parte ka man ng mundo:
  1. Kumuha ng health insurance
    Ang health insurance ay isa sa mga dapat na unang i-consider kung ikaw ay magtatrabaho abroad. Dahil sa iba-ibang panahon sa ibang bansa, kadalasan ay hirap mag-adjust ang katawan sa pabago-bagong panahon--lalo na kung ikaw ay nasa bansang may winter.

    Makakatulong ang health insurance sa panahon ng emergency: kung ikaw ay biglang nagkasakit o maapektuhan ng virus.
     
  2. Iwasan ang bisyo sa panahon ng stress
    Normal ang stress sa buhay, pero kailangan mong malaman kung paano haharapin ito. Wag gamitin ang paninigarilyo o pag-inom para maibsahan ang stress. Mag-hanap na lang ibang libangan para malabanan ang pressure sa ibang bansa--katulad ng pageehersisyo, paghahanap ng isang hobby, o kaya naman ay kausapin ang mga mahal sa buhay.
     
  3. Uminom ng vitamins araw-araw
    Lalo na sa ganitong panahong laganap ang Coronavirus, mahalaga na panatilihing malakas ang immune system. Uminom ng vitamins araw-araw, kasabay ng healthy diet upang hindi ka maging lapitin ng sakit. Dahil ang vitamin supplements ay puno ng nutrisyon, maaari nitong labanan ang sakit kahit na simpleng sipon, ubo, o lagnat.
     
  4. Mag-suot ng face mask
    Kahit na may sakit ka o wala, mahalaga na rin na protektado ka lalo kapag ikaw nasa labas. Mahalaga ang pag-suot ng face mask upang makaiwas sa sakit na dulot ng air pollution o airborne diseases. Kung ikaw naman ang may sakit, mas mahalaga ang pag-suot ng face mask upang hindi mahawa ng sakit ang iyong mga kasama.
     
  5. Tubig, tubig, tubig!
    Madaming benepisyo ang pag-inom ng tubig sa ating katawan bukod sa hydration. Nakakatulong ito sa pag-daloy dugo, pag-tunaw ng pagkain, at nakakaganda din ito ng balat. Kaya naman wag palampasin na makainom ng walo o higit bang baso ng tubig. Iwasan din ang madalas na pag-inom ng kape o mga carbonated beverages.
     
  6. Bantayan ang eating habits
    Normal na sa ating mga Pinoy ang pagkahumaling sa pagkain. Masaya nga naman ang kumain lalo na’t kung kasama mo ang iyong mga mahal sa buhay! Pero, lahat ng sobrang ay masama. Ugaliing magkaroon ng balanced diet at kumain ng mga pagkaing puno ng nutrisyon. Okay lang kumain ng matatamis, matataba o mamantikang pagkain, wag lang ito dalasan.
     
  7. Matulog sa tamang oras
    Napaka-importante ng sapat na tulog sa ating kabuuang kalusugan. At kung ikaw ang nagtatrabaho, mahalaga ang tulog para sa ating performance sa trabaho. Ang sapat ng tulog ay nakakatulong para magkaroon ng enerhiya at konsentrasyon sa buong araw. Kaya naman, owasan ang magpuyat at magbabad sa cellphone buong gabi!
     
  8. Mag-exercise
    Kaakibat ng tamang diet ang pag-eehersisyo. Hindi naman kailangan na intense ang iyong workout, pwede kang mag at-home exercises, mag-yoga o mag-zumba kasama ang mga kapwa mo Pinoy. Nakakatulong din ang pagkakaroon ng “buddy” para maenganyo ka mag-ehersisyo.
     
  9. Umattend ng therapy sessions o support group
    Hindi lang physical health ang iyong dapat alalahanin, dapat ay alagaan mo din ang iyong mental health—lalo na kung malayo ka sa iyong mga minamahal. Dahil karamihan sa mga OFW ang nakakaranas ng homesickness or kalungkutan sa ibang bansa, importanteng humingi tayo ng gabay sa mga counselors o therapists para maibsan ang negatibong emosyon. O kaya naman, umattend ng mga support group sessions para makailabas ang iyong mga saloobin at makihalubilo sa mga katulad mong nakakaranas ng parehong sitwasyon.
     
  10. Wag kalimutang magbakasyon
    Mahalaga din sa iyong emotional at mental health ang pagbabakasyon. Kung ikaw ay labis na nagtatrabaho, i-reward mo ang iyong sarili ng munting bakasyon na pasok sa iyong budget. Pumunta sa beach, bumiyahe sa malayong siyudad, o mag staycation sa isang nakakarelax na hotel. Kahit ikaw ay nasa ibang bansa, deserve mo pa din ang work-life balance!