May kaakibat na hirap at sakripisyo ang pagtatrabaho sa ibang bansa ngunit ito ay tuluy-tuloy na tinitiis ng mga OFWs. Dagdag pa sa pagsubok na ito ay ang kasalukuyang pandemic crisis na COVID-19. Hindi lamang sa PIlipinas kundi pati na rin sa ibang bansa ay walang humpay ang pagtatrabaho ng mga OFW frontliners mula sa mga doktor, nurse, grocery store staffs at iba pang kinakailangang lumabas ng kanilang tahanan para magserbisyo sa mga panahong ito.
Dahil dito, maituturing din silang modern-day heroes dahil sa kanilang pagharap sa pagsubok na dala ng COVID-19. Alamin ang ilan pang dahilan kung bakit dapat kilalanin at bigyangpugay ang mga paghihirap ng mga OFW frontliners:
-
Sila ay nagtitiis malayo sa kanilang pamilya
Sa kahit na anong panahon, lahat ng OFWs ay nagtitiis mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay para kumita ng pera. Ngayon nga lang ay mas matinding lungkot, takot, at pangamba ang maaari nilang maramdaman habang hindi nila kasama ang kanilang pamilya dahil sa krisis na kinakaharap ng buong mundo. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang kanilang pagseserbisyo lalo na kung ang kanilang trabaho ay kinakailangan para mabigyang-lunas ang sakit na COVID-19.
-
Sila ay nananatiling tapat sa kanilang trabaho
Matinding pagod din ang nararanasan lalo na ng mga doktor, nurse, at iba pang health professionals na nagtatrabaho sa mga ospital sa ibang bansa. Ngunit kahit konti lamang ang pahinga dahil sa dami ng mga pasyente ay ginagawa pa rin nila ang kanilang makakaya para mabigyan ng maayos at kalidad na medical services ang mga ito.
-
Sila ang humaharap sa mga panganib dala ng COVID-19
Matinding takot ang dulot ng COVID-19 sa kalusugan ng lahat at kahit nangangamba rin ang mga OFW frontliners na nasa mga bansang may kaso ng COVID-19 ay hindi ito pumipigil sa kanila para gampanan ang kanilang tungkulin. Sa bawat araw na sila ay nasa labas at patuloy na nagtatrabaho ay may kaakibat na panganib silang kinakaharap hindi lamang para sa sarili nila kundi para sa ibang tao rin. Kaya matinding pag-iingat ang kanila ginagawa para maprotekhan ang kanilang kalusugan pati na ang mga pasyente, mga customers at lahat ng tao sa paligid nila.
-
Sila ang nagiging daan para mabawasan ang mga COVID-19 patients
Mas napapadali ang paggaling ng mga nagpositibo sa COVID-19 dahil sa abilidad at dedikasyon ng mga health professionals na maging maayos ang kanilang kalagayan. Ang ilang health experts din ang nagiging daan para makapagbigay ng mahahalagang impormasyon kung paano mapapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa para maiwasan ang sakit tulad ng COVID-19.
Kahit ito ay parte ng kanilang trabaho, isang matinding pagsasakripisyo pa rin ang kinakaharap ng mga OFW frontliners. Hindi madali na gampanan ang tungkulin kung malayo sa mga mahal sa buhay at kung nangangamba rin sa kanilang kalagayan. Mahalagang pangalagaan nila ang sarili para sila ay makapagtrabaho at para na rin sa ibang tao. Kaya huwag natin kalimutan mag-alay ng isang simpleng pasasalamat sa lahat ng mga Pilipinong frontliners, nasa ibang abroad man o nasa bansa.