Ayon sa COVID-19 Job Report ng Jobstreet, naapektuhan ng pandemya ang 60% ng mga nagtatrabaho. 43% ang pansamantalang nawalan ng trabaho, habang 17% ang tuluyan nang binitawan ng kumpanya. Dahil sa huminang ekonomiya, may mga kumpanyang nagbawas ng mga empleyado o ‘di kaya’y tuluyan nang nagsara.

Ang ibang nawalan ng hanap-buhay, pumasok sa mga small business na bukod sa madaling simulan, ay hindi nangangailangan ng malaking puhunan. Ang mga ito, kalimitang pwedeng gawin sa sariling tahanan.

Kung isa ka sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na kasalukuyang naghihintay makabalik sa bansang pinagtatrabahuan o gustong magsimula ng negosyo sa Pilipinas habang nasa abroad, narito ang ilang small business ideas na pandagdag-kita. Ang ilan sa mga ito, puwedeng ipagpatuloy ng iyong katiwala o kapamilya, at maaaring magbigay daan sa isang matagumpay na family business.

 

Online Consultation Services

Saang larangan ka bihasa? Isa ka mang dietician, musikero, gym coach, guro at iba pa, maaari mong pagkitaan ang iyong kaalaman at karanasan sa trabaho. Dahil limitado ang paglabas ng mga tao, marami ang naghahanap ng mga serbisyong online. Kung may telemedicine ang mga doctor, pwede mo ring alukin ang iyong serbisyo nang may bayad.

 

Sa panahon ngayon, marami ang gustong matuto ng mga bagong kakayahan. Ano ang skills mo na pwedeng ituro online? Naglipana ang mga webinar tungkol sa sari-saring  mga bagay—mula paghahalaman at financial planning, hanggang sa pagsusulat at pagpapanatili ng kalusugan. 


Dahil online na rin isinasagawa ang pag-aaral ng mga estudyante, maaari ka ring mag-tutor. Ang iba, inaalok ang mga serbisyo sa labas ng bansa, partikular na sa mga foreigner na gustong matutong mag-Ingles.

Home Delivery Business

Halos lahat ng mga negosyo ngayon ay nag-aalok ng online delivery. Maaari mo ring gawing negosyo, hindi ang produkto, kungdi ang mismong delivery service. Sa simula pa lang ng pandemya, pumatok na ang pag-deliver ng essential needs gaya ng pagkain, mga gamot, at groceries.

 

Sa pagsisimula ng negosyong ito, dapat may isa o higit pang sasakyan na may kaniya-kaniyang driver. Kapag i-a-advertise ang serbisyo, dapat ilahad nang maayos ang mga bagay na pwedeng bilhin at i-deliver ng iyong mga tauhan, at ang sinasakop na mga lugar ng iyong serbisyo. Kung limitado ang puhunan, pwedeng ikaw mismo ang tauhan; kailangan lang i-schedule nang maayos ang mga lakad para siguradong maserbisyuhan ang lahat ng mga kliyente.

 

Food Business

Hindi mapagkakaila na mahilig kumain ang mga Pilipino. Basta masarap at sulit ang bayad, siguradong tatangkilikin ang iyong produkto. Bukod sa pwede itong isama sa handaan, patok ang pagkain ngayong Kapaskuhan dahil pwede itong panregalo.

Ayon sa mga eksperto, ang mga matagumpay na online food business ay nagsimula sa hilig ng may-ari. Kung hobby mo ang mag-bake at maraming pumupuri sa iyong chocolate cake, bakit ‘di mo ito subukang ibenta? O baka naman marami sa ‘yong bisita ang nasasarapan sa iyong dinuguan. Dahil na-taste test na ang mga ito, mas malaki ang tyansang magugustuhan din ito ng iba.

Pero dahil maselan ang pagbebenta ng pagkain, dapat masusi ang pagsunod sa health and safety standards, at lalo na sa kalagitnaan ng pandemya. Tandaan na sa ‘yong pag-iingat nakasalalay ang kaligtasan ng iyong mga customer at ang reputasyon ng negosyo mo.

 

Arts and Crafts Business

Gamitin ang artistic talent sa paggawa ng mga produktong kapaki-pakinabang at kaaya-ayang tingnan. Accessories, pottery, mga damit, scented candles, handmade soap—sa negosyong ito, hindi ka mauubusan ng ideas.

 

Gaya ng sa food business, mainam kung mag-uumpisa ka sa kung ano’ng hilig mong gawin. Maaaring magsaliksik sa internet o manuod ng online tutorials para lalong mapabuti ang iyong produkto. Patok ito ngayong Pasko sa mga naghahanap ng mga regalo na kakaiba ngunit magaan sa bulsa. Kaya naman dapat kasing ganda ng iyong produkto ang packaging nito para madaling gawing giveaway. Dahil online ang bentahan, dapat agaw-atensyon ang mga retrato ng mga produkto. Kunan ang mga ito sa tamang ilaw, anggulo at sa nababagay na background.

 

Reseller Business

Kung hindi mo naman nakikita ang sarili mong gumagawa ng mismong ibebenta mo, pwede kang magbenta ng produkto ng iba. Reselling ang tawag dito, kung saan ikaw ang tatayong middleman sa pagitan ng manufacturer at customer. Kadalasang binibili ng reseller ang produkto nang wholesale o maramihan sa mas mababang halaga. Ang mga ito naman ay kaniyang ibebenta nang mas mahal para siya’y kumikita.

 

Bukod sa pagkakaroon ng mga suking pagkukunan ng mga produkto, dapat maayos rin ang imbentaryo nito. Maglaan ng lugar sa bahay kung saan pwedeng itago ang mga produkto nang hindi nasisira. Pag-aralan din ang mga online selling platform at pumili ng maaasahang delivery service para masiguro ang kalidad ng produkto.

 

Marami mang mga pagsubok at ‘di inaasahang pangyayari ngayong pandemya, ang mahalaga ay ang pagpupursigi upang makabangon. Kayang malamapasan ang anumang krisis kung magiging maparaan at susubok ng mga bagong solusyon.