Mga vaccine na ginagamit sa Pilipinas
Sa ngayon, anim ang bakunang contra-COVID na ginagamit sa Pilipinas: Pfizer-BioNTech (US), AstraZeneca (Europe), Moderna (US), Sinovac (China), Sputnik/Gamaleya (Russia), at Janssen/Johnson & Johnson (US). Fully vaccinated ka na kapag nakatanggap ng dalawang dose ng mga ito, maliban sa Johnson & Johnson na isang dose lang.
Lahat nitong vaccines, malaki ang maitutulong para maging ligtas ang mga tao at ang bansa sa COVID-19, at para maabot ng Pilipinas ang sapat na “herd immunity” para mas malayang makagalaw, magtrabaho, at makapagbiyahe.
Pero hindi lahat ng vaccines tinatanggap sa lahat ng bansa. May mga website na naglilista kung alin ang tinatanggap saan. Pero dahil laging nagbabago ang patakaran, dapat i-confirm sa iyong agency o employer ang pinakabagong patakaran at kinakailangan sa bansang pupuntahan mo.
Bakit hindi pare-pareho ang tinatanggap?
Ang Sinovac at Sputnik ay kasama sa mga unang bakunang dumating sa Pilipinas, kaya pinalaganap ito ng mga LGU. Pero may mga bansang hindi tinatanggap ito. Nangyayari ito dahil may kanya-kanyang awtoridad ang mga bansa, at kulang pa ang mga vaccine sa dokumento, patunay ng kalidad, at impormasyon tungkol sa kondisyon ng paggawa. Lahat ito ay nanggagaling sa kompanyang gumagawa ng vaccine.
Hindi lamang Pilipinas ang may ganitong problema, pati ang Europa at Middle East kung saan iba-iba ang mga tinatanggap na bakuna sa mga bansa.
Paano kung nabakunahan ka na ng Sinovac o Sputnik, pero hindi ito tanggap sa bansang pupuntahan? Maituturing kang kasama sa “unvaccinated.” May mga bansang makakapasok pa rin, kailangan lamang may negative RT-PCR result na kinuha less than three days bago dumating, at mag-quarantine ng ilang araw bago magpabakuna doon. Ulit, siguraduhing malinaw ang iyong impormasyon dito mula sa iyong recruitment agency.
Vaccine registration para sa may deployment nang 2021
Malinaw na sa mga bakunang kailangan? Ang OFW na for deployment bago matapos ang 2021 ay nasa Expanded Priority Group A1 sa vaccine priority list ng gobyerno. Kaya pwede nang makipag-ugnayan sa LGU para makuha ang bakunang kinikilala sa bansang pupuntahan.
Ihanda lang ang iyong proof of deployment, galing sa recruitment o manning agency. Pwede rito ang Overseas Employment Contract/Certificate, o ang Seaman’s Book.
Mag-register sa iyong LGU para sa first at second dose. Kung hindi makuha ang second dose sa parehong LGU, pwede rin itong makuha sa ibang lugar. Basta’t siguraduhing parehong klase ng bakuna at nasa loob pa rin ng dosage period, na kadalasan ay 14 days. Kausapin ang inyong LGU para asikasuhin ang pagbakuna sa kabilang LGU.
Mga patunay: VaxCertPH at Yellow Card
Kapag fully vaccinated na, pwede nang kumuha ng vaccine certificate na magpapatunay nito sa ibang bansa. Simula September 2021, dalawa na ang certificate na makukuha mula sa gobyerno
1. Ang VaxCertPH ay Online Vaccine Certificate (via mobile app) na bagong lunsad ng gobyerno. Libre ito, at sumusunod sa digital guidelines ng World Health Organization (WHO) na kinikilala sa 196 na bansa. Kinukuha nito ang impormasyon galing sa vaccine database ng mga LGU, tungkol sa ilang dose, kailan, at anong klaseng bakuna ang natanggap.
Sa ngayon, uunahin ang mga OFW at mga residente ng Metro Manila at Baguio sa VaxCert, bago ito buksan sa buong publiko. Hindi ito vaccine passport o vaccination card para sa paglabasg-araw-araw sa Pilipinas; at hindi rin ito tatanggapin na pampalit sa NationaI ID.
2. Habang sinusubukan pa lang ang VaxCert, pandagdag lamang ito sa naunang vaccine certificate: ang mas kilalang International Certificate of Vaccination ICV, o yellow card), isang pisikal na booklet na may QR code, at naglalaman ng datos tungkol sa mga bakunang dati nang hinahanap sa ibang bansa: cholera, yellow fever, typhoid, atbp. May singil na PhP370.00 ang ICV, at kailangan ng personal appearance sa Bureau of Quarantine (BOQ), na may opisina sa mga malalaking siyudad. Ayon sa BOQ, December 2021 na ang pinakaunang available appointment slot para rito.
Mga vaccines na tinatanggap sa iba’t ibang bansa
Tingnan natin ang ilang mga bansang madalas puntahan ng mga Pinoy OFW, at ang mga bakunang aprubado o tinatanggap sa bawat isa:
- Australia Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Johnson & Johnson, Sinovac (kinikilala na mula October 2021). Magbubukas ulit ang bansa sa November para makabalik ang mga citizens, residente at foreign students, kaya mabuti nang maghanda ang mga may work permit.
- Canada, Ireland, Italy Pfizer, Moderna, AstraZeneca, at Johnson & Johnson. Hindi pa aprubado ang Sinovac sa mga bansang ito.
- Dubai/UAE Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Sinovac. Sa ngayon, ang protocol ay magpakita ng negatibong RT-PCR test na kinuhang less than 3 days bago dumating sa bansa.
- European Union Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Sinovac at Covishield. Dahil 27 ang bansang miyembro ng EU, siguraduhin din ang pinakabagong patakaran sa bansang pupuntahan.
- Hong Kong Pfizer, AstraZeneca, Moderna, Johnson & Johnson, Sinopharm, Sinovac, Sputnik. Tanggap na sa Hong Kong ang ICV yellow card bilang proof of vaccination.
- Indonesia, Malaysia - Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Johnson & Johnson, Sinovac.
- Israel - Pfizer, Moderna. Hindi pa tanggap dito ang AstraZeneca (Europe), Johnson & Johnson at Sinopharm/Sinovac. Nag-uumpisa na mag-booster shots (3rd dose) ang Israel,.kjaya siguraduhin ang usapan ninyo ng iyong recruiter.
- Japan - Pfizer, Moderna, AstraZeneca at Takeda. Hindi pa tanggap sa Japan ang Johnson & Johnson at Sinovac.Tinanggal na ng pamahalaan ang state of emergency, pero kasalukuyang sarado pa rin ang bansa para sa mga pasaherong galing Pilipinas. Balikan ang balita sa Philippine Embassy of Japan.
- Kuwait, Qatar at Saudi Arabia - Pfizer, Moderna, AstraZeneca, at Johnson & Johnson. Hindi pa aprubado ang Sinovac/Sinopharm. Makakapasok dito ang mga nabakunahan ng Sinovac kung mag-quarantine ng ilang araw.
- Singapore - Pfizer at Moderna, at least 15 days bago dumating sa Singapore. Mula Oct 2021, bukas ulit ang bansa sa international travel, at unti-unting uumpisahan ulit ang pag-process ng mga papeles ng mga migrant workers. Alamin ang mga advisory sa iyong agency o sa Philippine Embassy sa Singapore.
- Taiwan - Moderna at Medigen (gawa sa Taiwan). Sa ngayon sarado pa ang bansa para sa mga OFW. Para sa balita ng pagbukas, bantayan ang mga website at social media ng MECO, ang Philippine mission sa Taiwan.
- United Kingdom Pfizer, Moderna, AstraZeneca at CoviShield, Johnson & Johnson. Sa ngayon, kasama pa rin ang Pilipinas sa red list ng UK, kaya kailangan ng Covid-19 test at naka-book na quarantine hotel package bago lumipad.
- United States Maaring makapasok sa US ang Filipino citizens kung may written proof ng negative RT-PCR o antigen test na hindi lalampas sa tatlong araw bago dumating sa US. Kung balak magtrabaho sa US, aprubado para sa domestic use ang Pfizer, Moderna at Johnson & Johnson; sa ngayon, hindi pa aprubado ang AstraZeneca, Sinovac at Sputnik.
Isa lamang ang vaccine sa mga paraang makapasok ng ibang bansa. Siguraduhin ding bukas ang bansang pupuntahan sa mga pasaherong galing ng Pilipinas. Kahit may travel ban, may mga bansang nagbibigay ng exemption para sa mga may employment visa o work permit. Agency o employer din ang mag-asikaso nito.
Para sa latest OFW travel updates, pumunta lamang sa POEA Advisories page.
Huwag din kalimutang tumingin sa WorkAbroad.PH para sa balita at magagandang trabaho sa buong mundo.