Hindi madali ang maging isang OFW, lalo na sa panahon ngayon na ang mga illegal recruiters ay nagiging mas creative sa kanilang mga modus. Kaya naman mahalaga para sa mga kababayan nating nangangamarap magtrabaho sa ibang bansa na maging maingat at alamin ang mga paraan upang hindi mabiktima ng recruitment scams. Narito ang ilang tips at mga senyales ng panloloko na dapat tandaan. 

Mga Karaniwang Senyales ng Recruitment Scams 

  1. Humihingi ng Bayad Agad-agad: Ang isa sa mga unang senyales ng illegal recruitment ay kapag ang recruiter ay humihingi ng bayad bago pa man ma-secure ang trabaho. Karaniwang hinihingi nila ang processing fees, placement fees, o training fees. Ngunit, ayon sa batas, ang lehitimong mga recruitment agencies ay hindi dapat maningil ng mga ganitong bayarin. Kapag may nanghihingi agad ng pera, magduda ka namalamang isa itong scam. 

  1. Mga “Too Good to be True” na Job Offers: Karamihan sa mga scam ay gumagamit ng job offers na tila napakaganda para maging totoo. Madalas, mag-aalok sila ng trabaho na may sobrang taas na sweldo o kaya'y sobrang magagandang benepisyo, lalo na sa mga bansang may mataas na demand para sa mga skilled workers tulad ng Europe o Middle East. Ngunit kung walang sapat na documentation o hindi tugma ang offer sa job description, maging maingat ka na. Kapag parang sobra ang offer at tila hindi kapani-paniwala, malaking posibilidad na scam ito. 

  1. Walang Written Contract or Documentation: Ang legit recruitment process ay laging may kasamang written contract at mga dokumento na nagpapaliwanag ng terms and conditions ng trabaho. Kung ang recruiter ay hindi nagbibigay ng malinaw na kontrata o nagmamadali na pumirma ka agad nang walang maayos na paliwanag, isa itong malaking warning sign. Dapat ay may oras kang basahin at suriin ang lahat ng dokumento bago magdesisyon. 

  1. Recruiters na Nakikipag-ugnayan Lang sa Social Media: Bagama't maraming trabaho ngayon ang inaa-advertise sa social media, delikado rin ito dahil maraming manloloko ang nagtatago sa mga social media or messaging platforms. Kung ang recruiter ay hindi gumagamit ng opisyal na email o contact channels at nagme-message lang sa iyo sa pamamagitan ng Facebook, WhatsApp, o iba pang social media apps, maging maingat. Iwasan ang pakikipag-transaksyon gamit ang ganitong paraan, at siguraduhing i-verify ang recruiter bago magbigay ng anumang impormasyon. 

Paano Ma-Verify Kung Legitimate ang Agency 

  1. Gamitin ang DMW License Checking: Isa sa mga pinakamadaling paraan upang tiyakin kung legit ang recruitment agency ay sa pamamagitan ng DMW (Department of Migrant Workers) License Checking system. Pumunta lamang sa kanilang website at hanapin ang listahan ng mga accredited recruitment agencies. Kung hindi nakalista ang agency, malaking posibilidad na ito ay scam. 

  1. WorkAbroad Validate Agency Feature: Merong Validate Agency Feature si WorkAbroad kung saan pwede mong ma-check kung ang legitimacy ng nag-email sayo. Gamitin ang tool na ito upang i-check kung rehistrado at accredited ang recruitment agency na kausap mo. Mas mabuti nang magsaliksik at gumamit ng mga trusted platforms kaysa magsisi sa bandang huli: https://www.workabroad.ph/validate-agency 

  1. Mag-check ng Feedback at Reviews: Isa pang paraan upang malaman kung legit ang isang recruitment agency ay sa pamamagitan ng pag-check ng mga reviews at feedback mula sa ibang aplikante o OFWs na na-hire na nila. Makikita ang mga ito sa mga online forums o Facebook groups na may OFW communities. Kung maraming reklamo at negatibong feedback tungkol sa isang agency, magduda ka na, kabayan. 

Karagdagang Tips para Makaiwas sa Recruitment Scams 

  1. Huwag Magmadali: Maraming scam ang umaasa sa pressure tactics para maitulak ang mga aplikante na magdesisyon agad. Sinasabi nilang "limited offer" ang trabaho o may "urgent hiring," na nagiging dahilan para magpadalos-dalos ka sa desisyon. Huwag magmadali. Dapat ay bigyan ka ng oras upang suriin ang lahat ng detalye at mag-research tungkol sa trabaho at recruiter. 

  1. Iwasang Magbigay ng Personal Documents: Huwag basta-basta magbigay ng iyong personal na dokumento tulad ng passport, birth certificate, o anumang personal information sa hindi mo sigurado kung lehitimo ang kausap mo. Ginagamit ng mga scammer ang mga dokumento para sa mga iligal na aktibidad, kaya maging maingat. 

  1. Makipag-ugnayan sa DMW Hotline: Kung may duda ka tungkol sa isang recruitment offer, maaari kang makipag-ugnayan sa DMW hotline para humingi ng payo. Mas mabuti nang magtanong kaysa mapasubo sa isang scam na posibleng magdulot ng malaking problema. 

Sa pamamagitan ng pagiging maingat at mapanuri, maiiwasan mo ang mga recruitment scams at masisigurong safe at secure ang iyong trabaho abroad. 

For more articles on avoiding scams, check out our other articles here: https://www.workabroad.ph/blog/category/tips-guides/scam-alert