Kapag ang pasko ay sumapit...
Pasko! Pasko! Pasko na naman muli. Pero kung nasaan ka ngayon, tila iba ang simoy ng hangin. Sa mga dingding, wala kang nakikitang mga makukulay na parol na nakasabit. Sa mga mall, hindi mo rin naririnig ang tinig ni Jose Mari Chan.
Tahimik sa kinaroroonan mo, at halos hanapin mo na ang ingay ng mga kapitbahay mong nagsisikantahan sa videoke. Wala kang maamoy na lechon at sweet spaghetti mula sa maya’t mayang handaan.
Malungkot man isipin, pero ito ang realidad ng buhay Overseas Filipino Worker (OFW) tuwing pasko.
Nasa kultura na ng mga Pilipino ang pagpapahalaga sa diwa ng pasko. Kaya naman, lalong ramdam ng mga OFW ang homesickness sa mga panahong ito. Pero alam mo bang may mga paraan para mabawasan ang homesickness sa Christmas season? Ito ang ilan sa kanila.
-
Maghanap ng ibang kaaabalahan
Siguro, ito ang unang papasok sa isip mo tuwing nami-miss mo ang Pilipinas. Maganda ngang solusyon ang paghahanap ng ibang kaaabalahan, para mawala sa isip mo ang homesickness! Baka may magagandang tanawin na pwede mong bisitahin. O baka may mga nakakasabik na activities na pwedeng subukan. Pwede mong labanan ang homesickness ngayong pasko sa pamamagitan ng pagfo-focus sa sarili mong kaligayahan!
-
Makipagkita sa mga kapwa OFW
Dahil sa dumaraming OFW, paniguradong hindi ka nag-iisa sa destinasyong pinagtatrabahuhan mo. Ayain mo ang mga kababayan mong lumabas at sabay-sabay niyong gunitain ang pasko!
Malamang, parepareho niyong pinagdadaanan ang homesickness. Kaya naman, kayo-kayo lang din ang magtutulungan. Iangat niyo ang isa’t isa! Tamang-tama ang panahong ito para mapalalim niyo ang pagkakaibigan ninyo. Higit na importante ang pagkakaroon ng mga kaibigang parang pamilya mo na, lalo na kapag nasa malayo ka.
-
Kumain ng pagkaing Pinoy
Hindi maliit na bagay ang pagkain, lalo na kung Pilipino ka. Alam mo kung gaano kahalaga ang kainan sa ating kultura. Ito ang nagpapatibay sa ating samahan. May mga lasa ring nagbibigay sa iyo ng mga masasarap na alaala.
Bago ka umalis ng Pilipinas, malamang ay natuto ka nang magluto ng pagkaing Pinoy. Balikan mo ang inang bayan mo sa pamamagitan ng lasang Pilipino! Maghanda ka ng adobo, sinigang, lumpia, at kung ano pa mang paborito mong Filipino food. Tratuhin mo na ang mga ito bilang iyong mga comfort food.
-
Makipag-video call sa mga kamag-anak
Salamat sa teknolohiya, mas madali ka nang makipag-communicate sa mga kamag-anak mo kahit nasa malayo ka. Ngayon, hindi mo lang maririnig ang mga kwento ng mga mahal mo sa buhay. Pwede mo na rin silang makita, at hindi mo kailangang gumastos ng malaki para rito!
Kung pare-pareho kayong puno ang schedule, mag-set kayo ng oras ng video call para makapaglaan kayo ng kalidad na oras para sa isa’t isa.
-
Humanap ng mga lugar na Pinoy-centric
Kung ang pinagtatrabahuhan mo ay sikat na bansa para sa mga OFW, siguradong may mga lugar diyan na ginawa para sa mga Pinoy. Isipin mo: may mga restaurant ka bang nakikitang naghahanda ng mga Filipino food? O baka naman may Jollibee malapit sa inyo?
Sa ibang mga bansa, meron ding mga “Filipino center” kung tawagin. Ito ang mga lugar kung saan madalas tumambay ang mga OFW para makipaghalubilo sa isa’t isa. Tuwing naho-homesick ka, subukan mong dumaan sa mga lugar na ito. Baka rito mo pa matagpuan ang home away from home! At tignan mo na rin, baka may pa-Christmas party pa sila!
-
Mag-organisa ng Christmas party, Pinoy-style!
Speaking of Christmas party, bakit hindi mo subukang mag-organisa ng Christmas party para sa inyo ng mga kaibigan mo diyan? Mag-imbita ka ng ilang bisita—Pinoy man o hindi—at magdiwang kayo ng pasko! Magtipon-tipon kayong mga OFW at maghanda kayo ng tradisyonal na Noche Buena.
Subukan mong ituro sa mga kaibigan mo ang ilan sa mga certified Pinoy Christmas traditions tulad ng Monito, Monita o Kris Kringle. Para sa katuwaan, turuan mo rin silang mangaroling! Syempre, dapat Filipino Christmas carols din ang kakantahin niyo. Ilan sa mga paboritong kanta: Christmas in Our Hearts ni Jose Mari Chan, Sa May Bahay Ang Aming Bati ng Philippine Dance Company, at Thank You, Ang Babait Ninyo.
-
Alalahanin ang tunay na diwa ng pasko
Parte ng paggunita ng mga Pilipino sa pasko ay ang pag-alala sa pagkakapanganak ng Hesu Kristo. Baka ito na ang perpektong oras para magpasalamat ka sa lahat ng biyaya ng Panginoon sa iyo! Ayon nga sa paniniwala ng mga Kristyano, ang Hesu Kristo ang tunay na mapagbigay. Sa kanya galing lahat ng biyayang natatanggap mo ngayon—at kasama na rin rito ang trabaho mo sa ibang bansa! Kung pinagdasal mo lang din sa Kanya na makakuha ka ng maayos na trabaho, pasalamatan mo rin Siya dahil nakuha mo na ito.Magandang oras din ito para maipagdasal mo ang mga mahal mo sa buhay. Sa Kanya manggagaling ang lakas habang nahihirapan ka sa homesickness, at sa Kanya rin manggagaling ang kapayapaan. Alalahanin mo lang ding pwede kang dumepende sa Kanya, lalo na sa mga oras na pakiramdam mo ay mag-isa ka.Magtungo lang sa WorkAbroad.ph para sa iba pang mahahalagang impormasyon na makakatulong sa iyong trabaho.